Biyaheng Lupa & Walang Hanggang Paalam

WALANG HANGGANG PAALAM
Cast: Lovi Poe, Joem Bascon, Jacky Woo, Jake Roxas, Ricardo Cepeda; Director: Ramos and Paulo Villaluna; Producers: Forward Group and Feminine Annex; Screenwriters: Ellen Ramos, Paulo Villaluna, Caloy Santos, Patricia Evangelista, Raymond Amonoy; Genre: Drama; Location: Baguio City; Running Time: 90 min.;

Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 1.5
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above

Maglalayas ang 16-taong-gulang na si Maria (Lovi Poe) sa poder ng kanyang amain (Ricardo Cepeda) upang sumama sa kanyang kasintahang si Ryan. Sa Baguio sila tutuloy na dalawa at dito ay makikilala nila sa magkahiwalay na pagkakataon si Yoshi (Jacky Woo) isang Hapon na nagbalik sa Pilipinas upang hanapin ang dating pag-ibig bago man lamang siya bawian ng buhay dahil sa sakit na cancer. Habang si Ryan ay nagnanais na makasiping sa wakas si Maria, ang huli nama’y nais na maglibang sa labas ng kuwarto. Sa labis na pagkainip ay aalis mag-isa si Maria at dito ay makakasama niya at makikilala ng mas malalim si Yoshi. Mapapalagay ang loob ni Maria dito. Samantala, ang amain naman niya ay umupa ng imbestigador (Jake Roxas) upang ipahanap siya. Hawak nito ang susi sa isang pinakatatagong sikreto na magbabago sa buhay nilang lahat na nagsasanga-sanga ang mga kuwento sa maliit na siyudad ng Baguio.



Sa umpisa’y pawang may lalim na nais ipahatid ang kuwento ng Walang Hanggang Paalam. Pinaiisip nito ang manonood sa kung paanong magkakaron ng koneksyon ang iba’t-ibang tauhan na may kani-kaniyang pinanggalingan. Nababalot ng katahimikan at lungkot ang kabuuan ng pelikula. Karamihan sa mga nais nitong sabihin ay maririnig sa nakabibinging mga katahimikan. Pero ang katahimikan ding ito ang siyang dahilan kung bakit sa bandang huli’y walang malinaw na nasabi ang pelikula. Sayang sapagkat mahusay sana ang mga nagsiganap. Natali lamang sila sa limitadong materyal na hindi nagsubok payabungin ng maayos ang daloy ng emosyon. Kulang sa tamang hagod ang mga eksena at magtatalo ang lohika at emosyon sa karamihan ng mga pangyayari. May ilang koneksyon din na sadyang nakasanga sa kabuang kuwento anumang pilit gawin na ito ay ikonekta. Kung susumahin, mayroon naman talaga sanang kuwento na nais itong iparating. Yun nga lang, hindi naging gaanong epektibo dahil sa maaga at pilit na pagbunyag ng ilang sikreto na dapat sana’y kalaunan pa lamang malalaman ng manonood.

Ninais marahil ng mga may-akda ng Walang Hanggang Paalam na maglahad ng naiibang kuwento na tumatalakay sa pre-marital sex, insesto at homoseksualidad bagama’t hindi na naman na talagang bago ang mga ito. Wala ring bagong mapapala sa pelikula kung aral ang pag-uusapan. Nagsimula ang kuwento sa pagrerebelde sa magulang. Matapos ay sumama sa kasintahang ang nais naman ay makuha ang pagkakababae ng nobya. Mahihirapan ang nobyo ngunit kataka-takang maagang bibigay ang babae sa isang estranghero. Hindi rin malinaw kung bakit kinailangang ilagay pa sa kuwento ang ilang eksena na patungkol sa homosekwalidad. Pati ang insesto ay hindi na rin naharap at natalakay ng husto. Pawang pinalabas lamang na ang mga ito ay nangyayari at ginagawa ng walang anumang malinaw na dahilan at sadyang wasak na ang batayang moral ng mga kabataan pati na ng mga nakakatanda sa lipunan. Labis na nakakabahala ang pelikulang ito at nararapat lamang sa mga manonood na may hinog na pag-iisip. Bagama’t walang hubaran sa pelikula, ang kabuuang konsepto nito ay masyadong sensitibo kung hindi man eskandaloso para sa mga manonood.
Reviewed by CBCP CINEMA

BIYAHENG LUPA
Download Visual Studio
Cast: Jacklyn Jose, Angel Aquino, Eugene Domingo, Andoy Ranay, Coco Martin, Julio Diaz, Allan Paule, Carlo Guevarra, Susan Africa, Shamaine Buencamino; Director: Armando Lao; Producer: Joji Alonso; Screenwriter: Armando Lao; Genre: Drama; Distributor: Quantum Films; Location: Manila/ Bicol; Running Time: 90 min.;

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above

Lulan ng isang bus na magmumula sa Maynila patungong Legaspi ang iba’t-ibang klase ng pasaherong may kani-kaniyang dalahin sa buhay. Sa bawat pagsara ng pintuan ng bus, tatahimik ang lahat at maririnig lamang ng mga manonood ang iba’t-ibang saloobin ng mga pasahero na tumatakbo lamang sa kanilang mga isip. Sa pamamagitan din nito makikilala ang iba’t-ibang tauhan: si Helen (Jacklyn Jose) ay kakatagpuin ang kalaguyo nitong higit na mas bata sa kanya. Lingid ito sa kaalaman ng kanyang asawa kung kaya’t gayon na lang ang pagtatago niya sa sulok ng bus sa takot na may makakita sa kanya. Si Alex (Julio Diaz) naman ay inaasam na makumbinse ang kapatid na kanyang pupuntahan upang hikayating sumali sa kanyang negosyong networking. Ito raw ang magpapayaman sa kanya. Si Obet (Coco Martin) naman ay maghahanap ng trabaho sa tulong ng kaibigan upang takasan ang responsibilidad sa nabaldadong ina. Si Mickey (Carlo Guevarra) naman ay isang pipi’t-bingi na pupuntahan ang puntod ng tunay na ina lingid sa kaalaman ng pamilyang umampon sa kanya. Si Fina (Shamaine Buencamino) ay kakatapos lamang sumali sa isang game show sa Maynila. Uuwi siyang luhaan at talunan. Ito at marami pang ibang kuwento ang masasaksihan habang tumatakbo ang bus kasabay ng ilang mga aberya, abala at paghinto-hinto nito sa mga estasyon. Makarating kaya silang lahat ng maluwalhati sa kanilang patutunguhan?



Kakaiba ang konsepto ng pelikula. Walang bida, walang kontrabida. Wala ring gaanong dayalogo at tanging mga nasa sa isip ng mga tauhan ang kadalasang maririning ng mga manonood. Tunay nga namang malaman at hitik sa kuwento ang isipan ng bawat taong nasa isang mahaba at halos nakakainip na biyahe. Mahusay ang pagkakasulat ng pelikula. Bagama’t wala itong pinanghahawakan na masasabing kuwento, may mga naipaabot naman itong malinaw na saloobin at damdamin. Nakatulong din nang malaki ang mahuhusay na artistang nagsiganap bilang mga interesanteng mga tauhan sa bus. Markado ang bawat sandali nila sa pelikula. Bagama’t ang kanilang kuwento ay maririnig lamang at hindi makikita, damang-dama pa rin ang mga ito dala ng mga nangungusap nilang mga mata at kilos. Halong lungkot, takot, tuwa ang mararamdaman ng manonood sa mga patong-patong na kuwentong masasaksihan nila sa loob ng isang bumibiyaheng bus.

Naging napakalawak ng sakop ng pelikula kung usaping moral ang pagbabalingan. Hindi naman kasi nagbalak ang may-akda nito na magparating ng lehitimong kuwento. Sa halip, ang pelikula ay naglatag lamang ng iba’t-ibang uri ng saloobin. Mga sitwasyon ng buhay na talaga namang nangyayari. Ang babaeng nakikiapid sa kuwento ay pilit na itinatago ang ginagawang kasalanan. Hindi siya nagsisisi sa kanyang ginagawa ngunit hindi rin naman niya ito ipinagmamalaki at kitang walang kapayapaan ang kanyang isip. Ang taong walang inisip kundi pera at pagiging ganid ay wala ring kasiyahan at kapayapaan. Hindi rin matahimik ang isang babaeng nabuntis sa pagkadalaga at itinakwil ng mga magulang. Ang isang anak na tinangkang takasan ang pag-aaruga sa ina ay nagsisi at bumalik din. Ito at marami pang ibang kuwento ang maaring kapulutan ng aral o pagninilay sa pelikula. Sa bandang huli’y sinasabi ng pelikula na ang tao kailanma’y hindi nag-iisa sa paglalakbay sa buhay. May mga tao siyang makakasabay, makakasalamuha at makakaisa ng damdamin. Sadyang nilikha ang tao upang mapabilang sa isang pamilya, isang komunidad at isang simbahan. Magkakaiba man ang landas na tatahakin, sa bandang huli’y malalaman nating iisa rin ang nais nating patunguhang lahat – ang walang hanggang ligaya at kapayapaan at yan ay siguradong hindi matatagpuan sa lupa, gaano man kalayo ang ating lakbayin.
Reviewed by CBCP CINEMA
DOWNLOAD this movie. TRENDING: Men in Black 3, The Avengers, Will Smith

0 comments:

Post a Comment

sponsored links

Popular pinoy movies